-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Umani ng negatibong reaksiyon ang Shopee Express (SPX Express) Tantangan Hub sa Barangay Poblacion, Tantangan, South Cotabato, matapos ireklamo ng isang netizen ang magulo at hindi maayos na sistema sa kanilang warehouse.

Ayon sa nag-post ng isang netizen, maraming parcels ang iniwan lang sa ilalim ng araw at nakatambak na parang basura, kaya nahihirapan ang mga staff sa paghahanap at naantala ang mga customer sa pag-pick up ng kanilang mga order.

Bukod sa kalat, idinaing din ng netizen ang nawawalang parcel at ang pagtanggap ng “scam” item – produkto na hindi naman niya inorder sa Shopee app.

Dagdag pa niya, tila kulang sa koordinasyon at supervision ang warehouse, at walang malinaw na sistema kung paano aayusin ang mga parcels, dahilan upang marami ang madamay sa abala.

Bukas naman ang himpilan ng Bombo Radyo para kunin ang panig ng SPX Express at malaman kung anong hakbang ang gagawin ng kumpanya upang maayos ang sitwasyon at maiwasan ang katulad na reklamo sa hinaharap.