Nagpahayag ng pangamba si Senator Pia Cayetano sa umano’y pressure na nararanasan ng ilang senador na nagsisilbing judge sa impeachment court, partikular sa epekto nito sa kanilang kalayaan na magsalita at magampanan ang kanilang tungkulin sa Senado.
Sa sesyon ng impeachment court noong Setyembre 16, ikinuwento ni Cayetano na nakaramdam siya ng pressure matapos umano siyang tratuhing parang pugante ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng kanyang pagpunta sa Singapore kasama ang kapatid na si Senator Alan Cayetano.
Ayon kay Cayetano, ang biyahe ay para lamang suportahan ang isang national team. Gayunman, naging usapin umano ang kanyang kinaroroonan matapos banggitin ng NBI director sa isang pahayag ang kanyang lokasyon at inaasahang petsa ng pagbabalik sa bansa.
Ibinahagi rin ng senador ang sitwasyon ng ilang kapwa mambabatas na aniya’y kasalukuyang nakadetine, nagtatago dahil sa banta ng kaso o warrant, o naka-medical leave matapos umanong makatanggap ng banta ng pagsasampa ng kaso.
Iginiit ni Cayetano na nais lamang niyang maitala ang kanyang mga obserbasyon at maipahayag ang kanyang pangamba tungkol sa personal na kalayaan at kakayahan ng mga senador na malayang gampanan ang kanilang tungkulin sa impeachment proceedings.













