-- ADVERTISEMENT --

Kasalukuyang nirerepaso ng Senate Committee on Ethics ang kanilang mga patakaran upang agad masimulan ang pagdinig laban sa mga inireklamong senador.

Ayon kay Committee Chairman Senador JV Ejercito, pinag-aaralan na nila ang mga alituntunin na ginamit ng 19th Congress at ihaharap ito sa darating na linggo sa organizational meeting ng komite.

Tatalakayin din dito ang mga natitirang reklamo, kabilang ang kontrobersyal na kaso laban kay dating Senate President Chiz Escudero, upang matukoy kung may sapat na batayan para simulan ang pagdinig.

Naantala ang proseso dahil hindi pa kumpleto ang komite, ngunit napunan na ang mga bakanteng posisyon nang magbalik-sesyon ang Senado noong Enero 26.

Kabilang sa mga miyembro ng komite sina Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros, at Erwin Tulfo.

Ipinaliwanag ni Ejercito na hindi niya agad naaksyunan ang reklamo dahil sa sunud-sunod na budget hearings ng 2025.