Isinusulong ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang dalawang panukalang batas na magtataas mula 56 tungo sa 57 taong gulang ang compulsory retirement age ng uniformed personnel ng PNP, BJMP at BFP.
Sa ilalim ng Senate Bills 2395 at 2396, layunin ng mga panukala na mapanatili nang mas matagal ang karanasan, kaalaman at leadership ng mga senior personnel, at mabigyan sila ng dagdag na panahon upang maipasa ang kanilang expertise sa mga nakababatang opisyal.
Sa SB 2395, saklaw ang uniformed personnel ng PNP, habang BJMP at BFP naman ang saklaw ng SB 2396. Ayon kay Lacson, makatutulong din ito sa pagpapatupad ng institutional reforms at naaayon sa naging pagtaas ng retirement age sa Armed Forces of the Philippines.
Batay sa datos na binanggit ni Lacson, nasa 230,410 ang uniformed personnel ng PNP, 26,000 sa BJMP at 41,286 sa BFP.
Sa panukala para sa PNP, maaaring piliing magretiro sa edad na 56 ang personnel na wala pang isang taon ang serbisyo matapos maisabatas ang panukala. Mananatili rin sa 56 ang compulsory retirement age ng kasalukuyang PNP chief.
Para sa ilang matataas na opisyal ng BJMP at BFP, maaari silang manatili sa serbisyo nang hanggang isang taon matapos maabot ang kasalukuyang retirement age, ngunit hindi na ito maaaring palawigin pa.













