Nanawagan si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson kina retiradong Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio at UP Professor Jay Batongbacal na huwag nang sumali sa iminungkahing debate ni Sen. Rodante Marcoleta tungkol sa Kalayaan Island Group (KIG).
Ayon kay Lacson, maaaring magdulot ng pangamba ang naturang debate at makaapekto sa karapatan sa paninirahan ng mga residente ng Barangay Pag-asa sa Palawan.
Tinawag niya itong isang “walang saysay na debate” na posibleng maglagay sa alanganin sa kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong matagal nang naninirahan sa isla. Gayunman, tinanggap ni Carpio ang hamon ni Marcoleta para sa isang “friendly debate” hinggil sa usapin ng soberanya at maritime security. Kabilang din si Batongbacal sa mga inimbitahan para sa nasabing talakayan.
Matatandaang binatikos si Marcoleta matapos niyang imungkahi na maaaring isuko na lamang ang KIG dahil umano’y nasa labas ito ng exclusive economic zone ng Pilipinas—isang pahayag na ikinabahala ng ilang senador at mga eksperto.












