-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ni Sen. Christopher “Bong” Go ang mga kabataan na bawasan ang oras na ginugugol sa social media at gadgets at sa halip ay maging mas aktibo sa sports at iba pang makabuluhang gawain.

Ayon kay Go, na chairman ng Senate Committee on Sports, maaaring magsilbing positibong outlet ang sports para sa mga kabataan habang nahuhubog ang kanilang disiplina, tiyaga at katatagan—mga pagpapahalagang maaari nilang magamit hindi lamang sa paglalaro kundi maging sa pang-araw-araw na buhay.

“Mas maraming oras sa court, sa field, o sa playground; mas kaunting oras sa screen,” ani Go, habang hinihikayat ang mga kabataan na lumabas at maging aktibo.

Nilinaw naman ng senador na hindi niya layuning ipagbawal ang paggamit ng teknolohiya at social media. Sa halip, nais niyang magkaroon ng mas balanseng oras ang kabataan at mabigyan sila ng mga alternatibong aktibidad na makatutulong sa kanilang pisikal at mental na kalagayan.

Binigyang-diin din ni Go na maaaring makatulong ang sports upang mailayo ang mga kabataan sa karahasan, bisyo at iba pang negatibong impluwensiya.

Kasabay nito, patuloy niyang isinusulong ang grassroots sports at mas malawak na access sa mga programang pampalakasan para sa mga bata at kabataan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Para kay Go, hindi lamang dapat tingnan ang sports bilang paghahanda para sa pagiging competitive athlete. Maaari rin itong maging praktikal na paraan upang mapanatili ang malusog na pangangatawan, makabuo ng mabubuting gawi, at mapalakas ang pangkalahatang kapakanan ng kabataan.