-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi nina Bong Go at dating Justice Secretary na si Vitaliano Aguirre II ang kanilang pagkakadawit sa dokumentong inilabas ng International Criminal Court, na tumutukoy umano sa kanila bilang “co-perpetrators” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kampanya kontra droga.

Sa inilabas na pahayag ni Sen. Go noong nakaraang katapusan ng linggo, iginiit niyang walang batayan ang mga akusasyon at isa lamang itong panig ng kuwento.

Aniya, hindi nito ipinapakita ang kanyang tunay na tungkulin bilang Special Assistant to the President mula 2016 hanggang 2018 at bilang Executive Assistant ng Alkalde ng Davao City mula 1998 hanggang 2016.

Binigyang-diin din ng senador na wala siyang anumang partisipasyon, kaalaman, o kapangyarihan kaugnay ng mga sinasabing paglabag. Pinasinungalingan din niya ang alegasyong nagsilbi siya bilang Chief of the Presidential Management Staff.

Sa kabila ng mga paratang na aniya’y walang basehan, tiniyak ni Go na magpapatuloy siya sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang senador at sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino.