-- ADVERTISEMENT --

Sinimulan na ngayong araw, Hulyo 10, ang inter-agency search and retrieval operations sa bahagi ng Taal Lake sa Talisay, Batangas para hanapin ang mga labi ng nawawalang sabungero na hinihinalang itinapon sa lawa.

Ang operasyon ay pinangungunahan ng Department of Justice (DOJ), katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Intelligence Group, at Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG).

Ayon sa mga awtoridad, isa sa mga pangunahing hamon sa operasyon ang lawak at lalim ng Taal Lake, pabago-bagong kondisyon ng panahon, at ang aktibidad ng Bulkang Taal. Bilang paghahanda, nagsagawa ng inter-agency briefing ang mga opisyal kahapon, Hulyo 9.

Kabilang sa mga dumalo ay sina DOJ Assistant Secretaries Eliseo Cruz at Mico Clavano, PCG Southern Tagalog District Commodore Geronimo Tuvilla, at CIDG 4A OIC LtCol. Ganaban Ali.

Inihayag ni Commodore Tuvilla na nakahanda na ang mga kagamitan ng Coast Guard para sa technical dive at site assessment. Naipwesto na rin ang staging area, command post, at mga aerial drones na gagamitin sa operasyon. “We have equipment in place and we have initially established staging area last night at ang mga hakbang kung paano ang gagawin about the underwater operations,” pahayag niya.

Layon ng operasyon na tukuyin ang mga posibleng lead sa imbestigasyon at beripikahin ang impormasyong maaaring sa Taal Lake itinapon ang mga biktima.