-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa pananambang kay Arlyn Alcebar, punong-guro ng Agriculture Elementary School sa bayan ng Midsayap, Cotabato, nitong umaga ng Martes, Agosto 12, 2025.

Batay sa inisyal na ulat, sakay ng kanyang sasakyan si Alcebar at papasok na sa loob ng paaralan dakong alas-7 ng umaga nang pagbabarilin siya ng mga hindi pa nakikilalang armadong suspek sa mismong tapat ng gate ng paaralan sa Barangay Agriculture. Naging sanhi ito ng matinding takot at pagkataranta sa mga guro, mag-aaral, at magulang na naroon na para maghatid ng kanilang mga anak.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo patungo sa hindi pa matukoy na direksyon. Patuloy namang tinutugis ng Midsayap Municipal Police ang mga suspek at inaalam ang posibleng motibo sa krimen.

Samantala, kinondena ng lokal na pamahalaan ang karahasan at tiniyak ang mas mahigpit na seguridad sa paligid ng mga paaralan sa lugar upang maiwasan ang pag-ulit ng ganitong pangyayari.