-- ADVERTISEMENT --

Tuluyan nang ibinasura ng Supreme Court (SC) En Banc ang mosyon ng Kamara de Representantes na humihiling na baligtarin ang desisyon noong Hulyo 25, 2025, na nagdeklara na labag sa Konstitusyon ang impeachment laban kay Vice President Sara Z. Duterte.

Sa resolusyon nito, iginiit ng SC na ang ikaapat na impeachment complaint na ipinadala sa Senado noong Pebrero 5, 2025 ay hindi na pinahihintulutan sa ilalim ng Article XI, Section 3(5) ng Konstitusyon, na nagsasaad na maaari lamang magkaroon ng isang impeachment proceeding laban sa isang opisyal sa loob ng isang taon.

Nilinaw din ng Korte na ang unang tatlong impeachment complaints ay hindi naisama sa Order of Business ng Kamara sa loob ng itinakdang mga session days, kaya’t hindi ito maituturing na pormal na impeachment proceedings.

Ipinunto rin ng SC ang pagkakaiba ng dalawang paraan ng impeachment: ang una ay dumaraan sa proseso ng House Committee on Justice, habang ang ikalawa ay ang agarang paghahain ng reklamo kung may pirma ng hindi bababa sa isang-katlo (1/3) ng lahat ng miyembro ng Kamara.

Hindi nakilahok sa pagdedesisyon si Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, habang naka-leave naman si Associate Justice Maria Filomena Singh.

Agad na magkakabisa ang resolusyon matapos ang digital service nito sa lahat ng partido.