Naharang ng mga otoridad ang isang sasakyan na may kargang hinihinalang kontrabando na sigarilyo sa isinagawang checkpoint operation sa bahagi ng national highway sa Dukay COMPAC, Brgy. Dukay, Esperanza, Sultan Kudarat.
Ayon sa Esperanza MPS, naaresto ang dalawang indibidwal na kinilalang sina Alyas Dodong,isang 29-anyos na binata, magsasaka at residente ng Brgy. Sigayan, Lambayong, Sultan Kudarat, at isang alyas Doming, 36-anyos, may asawa, isang laborer, at residente ng Purok Pag-asa, Brgy. Poblacion, Lambayong, Sultan Kudarat.
Nakuha sa mga suspek ang sampung (10) kahon ng hinihinalang kontrabando na King Perfect brand cigarettes na tinatayang may halagang P392,900.00 sa merkado.
Nakumpiska rin ang silver na Toyota Innova na may plakang MEE 495 na ginamit umano sa pagbiyahe ng kontrabando.
Dahil walang maipakitang mga dokumento ay inaresto ng mg otoridad ang dalawa at isinailalim sa interogasyon.
Sa ngayon, kasama ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa kustodiya ng Sultan Kudarat Provincial Intelligence Unit para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon ang mga ito.
Mahaharap naman sa kaukulang kaso ang mga nahuling suspek.