Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na nananatiling sapat ang suplay ng langis sa bansa sa loob ng humigit-kumulang 45 araw, kasabay ng patuloy na hakbang ng pamahalaan na palakasin ang buffer stock upang maiwasan ang posibleng kakulangan.
Batay sa pinakahuling datos ng Oil Industry Management Bureau (OIMB), ang kasalukuyang imbentaryo ng mga produktong petrolyo ay ang sumusunod: may 53.14 araw na suplay ng gasolina, 45.82 araw para sa diesel, 97.93 araw para sa kerosene, 38.62 araw para sa jet fuel, 61.49 araw para sa fuel oil, at 23.51 araw naman para sa LPG.
Ayon kay Energy Undersecretary Alessandro Sales, patuloy na binabantayan ng ahensya ang suplay ng LPG dahil ito ang may pinakamaikling natitirang imbentaryo sa ngayon.
Upang higit pang mapalakas ang reserba, inanunsyo ni Energy Secretary Sharon Garin na bibili ang pamahalaan, sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company (PNOC), ng isang milyong bariles ng diesel na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P10 bilyon. Gayunpaman, inamin niya na ang nasabing dami ay katumbas lamang ng halos isang linggong konsumo ng buong bansa.
Sa kasalukuyan, nasa 400,000 bariles na ng diesel ang na-secure ng PNOC, at inaasahan pang madaragdagan ito ng 140,000 bariles bago matapos ang Marso.
Dagdag pa ni Garin, kukunin ang mga suplay mula sa iba’t ibang bansa, kabilang ang mga nasa Southeast Asia, upang hindi umasa sa iisang pinanggagalingan at matiyak ang tuloy-tuloy na daloy ng langis.
Binigyang-diin ng DOE na kahit limitado ang kakayahan sa pag-iimbak, mahalaga ang pagkakaroon ng buffer stock upang maiwasan ang kakulangan ng langis, lalo na sa gitna ng umiiral na pandaigdigang krisis.













