-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nakilala na ang driver ng puting sasakyang nagpa-full tank ngunit tumakas nang hindi nagbabayad sa isang gasolinahan sa Brgy. Morales, Koronadal City, matapos ma-capture ng CCTV ang insidente na ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng lokal na pulisya.

Kinilala ng mga otoridad ang suspek na si Yusop Datumanong, 33-anyos, taga-Shariff Aguak, Maguindanao, base sa kanyang ipinakitang driver’s license.

Ayon sa may-ari ng sasakyan na si Rhealyn Mindaw Payao, nirentahan ang kanyang puting sasakyan na may plate number na MBF 9302 noong Nobyembre 30 at ibinalik noong Disyembre 1, ngunit nagulat umano siya nang malaman na sangkot ito sa magkakasunod na insidente ng pagtakas matapos magpa-full tank sa iba’t ibang gasolinahan.

Matatandaan na sa panayam ng Bombo Radyo sa pump boy na si Allen Dave Mondejar sa gasoline station sa Koronadal na nabiktima, malaking tulong ang kuha ng CCTV footage dahil nakilala ang suspek.

Napag-alaman na matapos malaman ng may-ari ng sasakyan ang ginawa ng suspek ay dinala nito sa Police Station at sinampahan ng kaso, ngunit nakalabas din matapos makapagpiyansa.

Napag-alaman na nasa P2,600 ang halagang hindi nabayaran sa Barangay Morales, Koronadal City incident, habang kaparehong modus din ang nangyari sa ilan pang gasolinahan sa Barangay Saravia, Koronadal; bayan ng Surallah, South Cotabato at Tacurong City, Sultan Kudarat kung saan tumakas din ito nang hindi nagbayad.

Sa ngayon, hindi na magsasampa ng karagdagang kaso ang ilang nabiktima kung babayaran ng suspek ang kanyang ipinakargang gasolina.

Kaya’t panawagan naman ng mga otoridad sa lahat na maging alerto upang hindi na maulit pa ang modus na ginawa ng suspek.