-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos nitong Biyernes na hindi haharangin ng House of Representatives ang anumang impeachment complaint na ihahain laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at tiniyak na ito ay maayos na aaksiyunan alinsunod sa Konstitusyon.

Binigyang-diin ni Marcos na ang impeachment ay isang konstitusyunal na proseso na pinamamahalaan ng malinaw na mga alituntunin at due process, at inaasahang kikilos ang Kamara nang walang kinikilingan at ayon sa mga itinakdang pamamaraan.

Ipinaliwanag niya na sa sandaling pormal na maisumite ang reklamo sa Office of the House Secretary General at maipasa sa Office of the Speaker, ito ay ire-refer sa Committee on Rules para maisama sa Order of Business, bago tuluyang ipadala sa Committee on Justice.

Ayon kay Marcos, bilang Majority Leader, responsibilidad ng kanyang tanggapan na i-refer ang anumang impeachment complaint sa House Committee on Justice matapos itong maisama sa Calendar of Business at mabasa sa plenaryo.

“Dapat dinggin ng Kamara ang anumang isasampang impeachment complaint, kahit pa ito ay laban sa aking ama,” giit ni Marcos.