Itinakda ng Sandiganbayan Sixth Division ang pagsisimula ng paglilitis sa Marso 3 laban kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at 15 iba pa kaugnay ng umano’y substandard na P289-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Sa kautusang may petsang Pebrero 10 at inilabas noong Pebrero 16, sinabi ng korte na natapos na ang pagdinig sa petisyon para sa piyansa ng siyam na dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ito ay matapos ihayag ng prosekusyon na wala na silang ihahaing karagdagang testimonial evidence.
Inatasan ang prosekusyon at depensa na magsumite ng kani-kanilang memorandum at komento sa loob ng tig-dalawang araw bago pagpasyahan ng korte ang bail petition.
Samantala, itinakda ang presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon sa Marso 3 at 5, at magpapatuloy ito tuwing Martes at Huwebes alas-8:30 ng umaga.
Sa pagdinig ng petisyon para sa piyansa, tumestigo si Victoriano Acosta ng Commission on Audit (COA) Region IV-B na nagpalabas ang komisyon ng notice of disallowance na nagkakahalaga ng P84 milyon mula sa kabuuang P289-milyong pondo. Ayon sa kanya, ito ay dahil umano sa hindi pagsunod sa itinakdang plano at specifications ng proyekto.
Iginiit naman ng depensa na maaari pang iapela ang naturang notice of disallowance at hindi pa ito itinuturing na pinal—isang puntong kinilala rin ng testigong auditor.













