Tinanggihan ng Sandiganbayan 6th Division ang mosyon ni dating kongresista Zaldy Co na baligtarin ang deklarasyong siya ay isang “fugitive from justice.”
Ayon sa korte, walang merito ang kanyang mosyon at ito ay inihain nang lampas sa itinakdang reglementary period. Sa kanilang resolusyon, binigyang-diin ng Sandiganbayan na ang patuloy na pagkawala ni Co at ang hindi niya pagsuko o pagbabalik sa bansa, sa kabila ng kaalaman sa kasong kinahaharap, ay malinaw na nagpapakita ng kanyang intensyon na umiwas sa batas.
Idinagdag pa ng korte na hindi maaaring makinabang si Co sa anumang judicial relief hangga’t siya ay isang pugante.
Nahaharap si Co sa kasong graft at non-bailable malversation of public funds, at noong Enero 2026 ay kinansela ang kanyang pasaporte upang pigilan ang patuloy niyang pag-iwas sa mga awtoridad.
Sa kabila ng kanyang apela, nanindigan ang Sandiganbayan na walang sapat na batayan upang baligtarin ang naunang desisyon, kaya’t nananatiling isang “fugitive from justice” si Zaldy Co.













