Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa lahat ng mga Pilipino na makiisa sa Pambansang Araw ng Panalangin at Pagbabalik-Loob sa Diyos sa darating na Oktubre 7, 2025.
Sa pahayag ni CBCP President Cardinal Pablo Virgilio David, hinikayat niya ang sambayanan na magpakumbaba, manalangin, at magsisi sa mga kasalanan bilang paraan ng muling paglapit sa Diyos, lalo na sa gitna ng mga pagsubok at suliraning kinahaharap ng bansa.
Ayon kay Cardinal David, ang araw ng panalangin ay isang pagkakataon upang ipanalangin ang kapatawaran, pagkakaisa, at paggaling ng sambayanang Pilipino, at upang mapanumbalik ang pananampalataya at malasakit sa kapwa.
Idinagdag ng CBCP na ang panawagang ito ay inilunsad sa harap ng lumalalang isyu ng korupsiyon, kawalang-katarungan, at pagkakawatak-watak ng lipunan.
Binigyang-diin din ng simbahan ang mensahe mula sa 2 Cronica 7:14 na nagsasabing:“Kung ang aking bayan na tinatawag sa aking pangalan ay magpakumbaba, manalangin, hanapin ako, at talikuran ang kanilang masasamang gawa, diringgin ko sila mula sa langit, patatawarin ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.”
Layunin ng panawagang ito ng CBCP na muling pukawin ang espiritwal na pagkakaisa ng mga Pilipino at manumbalik ang tunay na pananampalataya at katapatan sa Diyos bilang tugon sa mga hamon na kinahaharap ng bansa.