Tumanggi ang mga abogado nina dating Senator Ramon Revilla Jr at anim niyang kapwa akusado, na dating opisyal ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office, na makibahagi sa plea bargaining sa kasong graft.
Ang plea bargaining ay isang proseso sa mga kasong kriminal kung saan maaaring aminin ng akusado ang kasalanan kapalit ng mas magaan na parusa o pagbawas ng ibang kaso. Kailangan itong aprubahan ng biktima, akusado, at prosecutor, at pinagtitibay ng hukom na humahawak sa kaso.
Tinanong ng korte ang mga akusado kung isasaalang-alang nila ang plea bargaining, ngunit negatibo ang naging sagot ng depensa.
Ayon kay Atty. Francesca Señga, abogado ni Revilla, wala silang planong maghain ng karagdagang mosyon sa ngayon. Matatandaang tinanggihan ng Sandiganbayan ang lahat ng naunang mosyon na inihain ng kampo ni Revilla.













