KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Surallah Municipal Police Station sa sanhi ng madugong aksidente Miyerkules ng gabi kung saan sumalpok ang isang sports utility vehicle (SUV) sa poste ng kuryente na nagresulta sa pagkasawi ng isang retired nurse habang tatlong iba pa ang kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Ayon sa Surallah MPS, inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsala sa sasakyan at ang eksaktong dahilan ng pagkawala ng kontrol ng drayber sa manibela pagsapit nito sa kurbadang bahagi ng Municipal Road, Block 4, Zone 1, Barangay Libertad, Surallah, South Cotabato.
Kinilala ang nasawing biktima na si Alyas Nina, 69-anyos, biyuda, at isang retiradong nars na idineklarang dead on arrival sa Landero Clinic and Hospital.
Lumabas sa inisyal na imbestyigasyon na mabilis na bumibiyahe ang Toyota Avanza na may plakang MCV 6781 na minamaneho ni Alyas Danilo, 56-anyos mula sa kanilang tirahan sa Sitio Los Pigados, Barangay Centrala, patungo sa ospital para sa isang emergency.
Subalit pagdating sa pakurbang kalsada, tuloy-tuloy na umovershoot ang sasakyan at sumalpok sa poste ng SOCOTECO.
Bukod sa drayber, sugatan din ang dalawa pang pasahero na sina Alyas Tino, 65-anyos, retiradong empleyado ng gobyerno at Alyas Diego, 47 taong gulang.
Agad na dinala ang mga sugatang biktima sa Landero Clinic and Hospital at SOCCSKSARGEN General Hospital para sa agarang gamutan.
Samantala, ang wasak na sasakyan ay dinala na sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.













