-- ADVERTISEMENT --

TUPI, SOUTH COTABATO – Hinaharang, tinutukan ng baril, at ninakawan ng motorsiklo ang isang retiradong sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng tatlong hindi pa matukoy na lalaki sa Barangay Poblacion, bandang alas-10 ng gabi, Hulyo 16.

Sakay ng kanyang Yamaha Mio, binabaybay ng biktima na si Michael Padua, 48 anyos, residente ng Purok 2, Barangay Poblacion, ang kalsada nang bigla siyang harangin ng mga suspek sa Purok 4. Isa sa mga lalaki ang agad siyang tinutukan ng baril habang sapilitang kinumpiska ang kanyang motorsiklo bago sila tumakas.

Agad na nagsagawa ng pursuit operation ang Tupi PNP at nadakip sa Purok Kawayan, Barangay Cebuano ang isa sa mga suspek na kinilalang si alyas Almacin, 18 anyos, residente ng Barangay Bunao. Positibo siyang kinilala ni Padua bilang isa sa mga responsable sa insidente.

Patuloy namang pinaghahanap ang dalawang kasabwat nito na sina alyas Nats at Joshua Kanacan, na pawang mga taga-Barangay Bunao rin.

Nabawi rin ng mga awtoridad ang ninakaw na motorsiklo. Samantala, nakakulong na ngayon si Almacin sa Tupi Municipal Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016, at kasong grave threat dahil sa pananakot gamit ang baril.