KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente ng pamamaril at pananaga sa Purok Sampaguita, Brgy. Moloy, Surallah, South Cotabato na kinasasangkutan ng isang retiradong pulis, anak nito at dalawang iba pa.
Ito ang kinumpirma ni PLtCol. Josef Jancon Clarete, Chief of Police ng Surallah PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal. Ayon kay Clarete, bandang alas-12:35 ng tanghali, ang retiradong pulis kasama ang kanyang anak ay parehong duguan na dumulog sa Surallah MPS upang isuko ang isang homemade caliber .45 pistol at isang bolo. Agad naman silang dinala sa ospital para sa agarang medikal na atensyon.
Ngunit bandang ala-1:00 ng hapon, isang concerned citizen ang tumawag sa pulisya na nag-ulat ng pamamaril sa parehong lugar kaya’t agad rumesponde ang patrol team at duty investigator para i-verify ang insidente. Nakilala ang nasawing biktima na si Angel Baleña Solomon, 42 anyos, binata, magsasaka at residente ng Purok Sampaguita sa nabanggit na barangay.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na ang retired PNP member na si Diosdado, 67 anyos, ang umano’y nagbaril kay Angel matapos ang mainit na pagtatalo na may kaugnayan sa lupa at personal grudge.
Sa kalagitnaan ng insidente, isang alyas Dolpo naman ang itinuro na nanaga sa pulis at sa kanyang anak, na nagdulot ng malubhang sugat sa dalawa. Boluntaryo din na sumuko si alyas Dolpo sa himpilan ng pulisya at napag-alaman na ang isinukong bolo at homemade pistol ng mag-ama ay pag-aari umano ng biktimang si Angel Solomon.
Sa kasalukuyan, patuloy na ginagamot ang mga sugatan habang inihahanda ang kaso laban sa mga suspek.
Kasabay nito, pinayuhan ng opisyal ang publiko na manatiling kalmado at iwasan ang anumang karahasan upang di matulad sa nangyaring insidente













