KORONADAL CITY – Nakatakdang talakayin sa darating na regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod ng Koronadal ang isang resolusyon na naglalayong ideklara ang content creator at vlogger na si Crist Briand bilang Persona Non Grata sa lungsod.
Ang hakbang na ito ay isinulong ni Councilor Mark Lapidez kasunod ng kontrobersyal na insidente kung saan umano’y inakyat ng vlogger ang roundball, ang pangunahing simbolo ng Koronadal at nagpakita pa ng mga pahayag na itinuturing na kawalan ng paggalang sa relihiyong Islam.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, binigyang-diin ni Councilor Lapidez na mahalaga ang resolusyon upang ipakita na hindi kukunsintihin ng pamahalaang lungsod ang anumang kilos na sumisira sa dignidad, kultura, at pananampalataya ng mga mamamayan.
Ayon pa sa kanya, ang roundball ay hindi lamang isang istruktura kundi isang makasaysayang palatandaan na sumisimbolo sa pagkakakilanlan ng mga Koronadaleño, habang ang relihiyon naman ay nananatiling sagradong bahagi ng buhay ng bawat isa.
Dagdag pa ni Lapidez, ang resolusyon ay hindi lamang laban kay Crist Briand kundi magsisilbi ring paalala sa lahat ng content creators na dapat isaalang-alang ang respeto at pananagutan sa paggawa ng nilalaman para sa social media. Aniya, hindi maaaring gawing biro ang kultura at relihiyon kapalit lamang ng pansariling kasikatan.
Samantala, una nang naglabas ng pahayag ang Koronadal City Police na pinamumunuan ni Police Lt. Col. Peter Pinalgan Jr. na kinokondena ang nasabing insidente. Giit niya, may kaakibat na kaparusahan ang mga aksyong hindi nagbibigay-galang sa mga cultural at historical sites ng lungsod, at dapat magsilbing babala ang kaso ni Briand upang hindi na maulit pa ang katulad na gawain.
Inaasahan na tatalakayin ng konseho ang resolusyon ngayong linggo, at dito pagbobotohan kung ito ay aaprubahan.
Kapag naipasa, malinaw na ideklara ng LGU na hindi katanggap-tanggap sa lungsod si Crist Briand at ang mga ginawa nitong labag sa kultural at relihiyosong pamantayan ng Koronadal.