-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY — Binigyang-diin ni Erwin Rommel Del Carmen, RMT, Chapter Administrator ng Philippine Red Cross – South Cotabato Chapter, ang kahalagahan ng dugo sa bawat indibidwal at kung gaano ito katulong sa pagsagip ng buhay ng kapwa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, ipinaabot ni Del Carmen ang pasasalamat at pagkilala sa Bombo Radyo Philippines bilang longtime partner ng Red Cross sa layunin nitong matiyak na may sapat at agad na magagamit na suplay ng dugo para sa mga pasyenteng nangangailangan.

Ayon kay Del Carmen, malaking tulong sa kanila ang patuloy na pakikipagtulungan ng Bombo Radyo, lalo na sa multi-awarded bloodletting campaign na “Dugong Bombo: A Little Pain, A Life to Gain” na isinasagawa taon-taon sa iba’t ibang panig ng bansa.

Tiniyak din niya na handa na ang kanilang tanggapan para sa mass bloodletting activity na gaganapin sa Nobyembre 15, 2025, Sabado, sa Events Center ng KCC Mall of Marbel, mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Samantala, ibinahagi rin ni Del Carmen na may bagong polisiya ang Department of Health kung saan direkta nang isinusupply ang dugo sa mga ospital o “facility to facility.”

Sa ganitong paraan, tinanggal na ang requirement para sa replacement donor, at hindi na rin kailangan ang blood donor’s card, na ngayon ay ginagamit na lamang bilang record o history ng donasyon ng isang donor.

Idiniin din ni Del Carmen ang kahalagahan ng mga mass donation activities tulad ng “Dugong Bombo” upang mapanatiling sapat ang suplay ng dugo sa mga ospital at hindi na mahirapan ang mga pasyente sa paghahanap nito. Batay sa datos ng World Health Organization (WHO), kailangan ng South Cotabato ng mahigit 11,000 blood units kada taon, subalit aminado si Del Carmen na hindi pa ito sapat upang matugunan ang kabuuang pangangailangan ng mga pasyente.

Sa huli, muling nanawagan ang Philippine Red Cross – South Cotabato Chapter at Bombo Radyo Philippines sa publiko na mag-donate ng dugo upang makatulong sa kapwa at makapagsalba ng buhay.