-- ADVERTISEMENT --

Nagkasagupa ang tropa ng 63rd Infantry Battalion at mga natitirang miyembro ng NPA sa kabundukan ng Llorente at Gen. MacArthur, Eastern Samar, kamakailan sa kabila ng matinding bagyo, na nagresulta sa pagkasawi ng isang rebelde.

Kinilala ang nasawing rebelde na si Joel Bobonao, kilala rin sa alyas Pen o Jack kung saan narekober ng mga sundalo ang isang kalibre .45 na baril, mga bala, magasin ng iba’t ibang armas, at personal na kagamitan.

Ang natitirang mga rebelde ay tumakas matapos ma-outmaneuver ng mga tropa ng pamahalaan.

Sa ngayon, patuloy ang pursuit at clearing operations upang habulin ang mga nakatakas na rebelde.

Samantala, pinuri ni Major General Adonis Ariel G. Orio, Commander ng 8th Infantry Division, ang tapang at dedikasyon ng kanyang mga tauhan sa pagpapanatili ng seguridad sa Eastern Visayas sa kabila ng hirap na dala ng bagyo.

Aniya, nagpapakita ang insidenteng ito ng unti-unting paghina ng suporta sa CPP-NPA sa rehiyon at muling hinikayat ang mga natitirang miyembro na sumuko at makinabang sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.

Nagpaalala rin si Maj. Gen. Orio na patuloy na nagbabantay ang 8ID sa pagpapatupad ng mga operasyon para sa internal security at sa mga humanitarian at disaster response missions kahit sa gitna ng Bagyong Tino.