KORONADAL CITY – May panawagan ang pulisya sa mga vlogger at content creator na maging maingat sa paggawa at paglalathala ng mga content upang maiwasan ang paglabag sa batas, partikular na sa cyber libel.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Captain Ralph Marvin Francis Rivera, tagapagsalita ng Koronadal City PNP, ang nasabing paalala ay kaugnay ng isang kasong kinahaharap ngayon ng isang kilalang vlogger mula sa lungsod na kilala sa alyas na “Jeren”na nahaharap sa cyber libel case sa Davao City sa ilalim ng Online Libel, Section 4 ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act.
Matapos umanong personal na makipag-ugnayan sa Koronadal PNP, isinagawa agad ang proseso para sa dokumentasyon ng kaso nito.
Tumungo rin ang naturang vlogger sa korte upang maghain ng piyansa na nagkakahalaga ng ₱48,000.
Dagdag ni Capt. Rivera, dapat isaalang-alang ng mga vlogger ang responsableng paggamit ng social media upang maiwasan ang pananagutang legal.