KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang isang aktibong police officer at dalawa pang mga drug suspects matapos na maaresto sa inilunsad na “One time, Big time” anti-drug operation sa bayan ng Polomolok, South Cotabato.
Kinilala ni PNP-12 Regional Director C/Supt. Marcelo Morales ang naarestong pulis na si PO2 Ernie M Sagabay na nakadestino sa Polomolok PNP.
Nahuli ang pulis sa bahay ng drug suspect na si Reniel Nilong sa Barangay Poblacion sa nabanggit na bayan.
Nakunan ng hindi lisensiyadong baril si Sagabay at nakatakda nang isailalim sa drug test.
Samantala, ang dalawa pang naaresto ay sina Adam Omar, 41, na nakunan ng pinaniniwalaang shabu, drug paraphernalia at rifle grenade at April Rose Mollino na taga-General Santos City.
Sa hiwalay na raid ay nadiskubre naman ng mga pulis ang isang abandonadong bahay sa Sitio Kulube, Brgy. Lapu, Polomolok, South Cotabato na umano’y hideout ng Dawlah-Islamiyah-Maguid Subgroup na dating Ansar-Al Khilafa Philippines, isang ISIS link group sa Mindanao.
Narekober sa lugar ang mga dokumento kaugnay sa operasyon ng grupo, mga live ammunition ng M 16 armalite rifle, mga fatigue uniforms at mga flags ng ISIS.