Naniniwala si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila De Lima na malaki ang posibilidad na maipasa ang anti-political dynasty bill sa kasalukuyang Kongreso, kasabay ng patuloy na konsultasyon ng Kamara sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ngayong araw, nasa Cebu ang ilang mambabatas para sa panibagong public consultation. Ayon kay De Lima, positibo at mainit ang naging pagtanggap ng publiko sa panukala, tulad ng naunang konsultasyon sa Cavite. Bukod dito, nagsasagawa rin ng hiwalay na konsultasyon ang Senado para sa kaparehong panukala.
Layunin aniya ng mga mambabatas na marinig ang opinyon at saloobin ng taumbayan upang matiyak ang tuluyang pagpasa ng panukalang batas na matagal na umanong dapat naisabatas.
Maging ang mga inimbitahang resource speakers ng Kamara ay sumusuporta sa pagbabawal ng political dynasty sa pamamagitan ng isang malinaw na batas.
Nanawagan din si De Lima sa publiko na suportahan ang panukala, dahil naniniwala siyang makatutulong ito sa pag-unlad ng bansa at sa pagtataguyod ng mas makatarungan at balanseng pamamahala.













