-- ADVERTISEMENT --

Hindi lamang ang paggamit ng confidential funds kundi pati ang proseso ng paghingi nito ang naging sentro ng pagtatanong ng prosekusyon sa ika-18 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa pagdinig noong Agosto 25, 2026, kinumpirma ni OVP Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio na siya ang nangangasiwa sa pagpapalabas, paggamit at liquidation ng pondo ng Office of the Vice President (OVP).

Ayon kay Ortonio, wala pang confidential fund ang OVP nang maupo siya sa puwesto noong Hulyo 2022. Wala rin umano nito noong panahon ni dating Vice President Leni Robredo.

Matapos nito, humiling ang OVP ng confidential funds sa Department of Budget and Management (DBM) sa pamamagitan ng liham na may petsang Agosto 22, 2022. Sa kanyang testimonya, sinabi ni Ortonio na si Duterte ang nagtakda ng halagang isinama sa request.

Gayunman, binigyang-diin ng prosekusyon na walang kalakip na computation o supporting documents ang liham na ipinadala sa DBM.

Isa pang dokumento ang ipinakita sa pagdinig—ang Physical and Financial Plan (PFP) na may petsang Setyembre 16, 2022, o halos isang buwan matapos ang request para sa confidential funds. Kinumpirma ni Ortonio na hindi dumaan sa kanyang tanggapan ang naturang PFP.

Ipinaliwanag naman ng testigo na ang confidential funds ay hiniling para sa ligtas na pagpapatupad ng mga aktibidad ng Good Governance Program at mga opisyal na engagement sa loob at labas ng bansa.

Sa gitna ng pagtatanong, itinuring na “hostile witness” si Ortonio ng presiding officer matapos kuwestiyunin ng prosekusyon ang ilang bahagi ng kanyang mga pahayag.

Samantala, itinanggi ng depensa na sapat na batayan ang mga puntong inilahad ng prosekusyon upang patunayan ang mga alegasyon kaugnay ng confidential funds.

Ayon kay Atty. Kristine Ferrer, ang 11 puntong binanggit ng prosekusyon ay mga “theories” at “sound bites” lamang at hindi pa napatutunayan sa impeachment court.

Gayunman, sinabi ni Ferrer na sasailalim pa rin si Ortonio sa cross-examination upang masuri ang kanyang testimonya at matukoy kung mapatutunayan o mapasinungalingan ang mga alegasyong iniharap ng prosekusyon.

Sa puntong ito, nananatiling mahalagang usapin sa paglilitis ang dokumentasyon at proseso sa likod ng confidential fund request—mula sa pagtatakda ng halaga hanggang sa paghahanda ng mga dokumentong sumusuporta rito.