-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng prosecution panel sa ikalawang araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte na ang umano’y mga pahayag nitong naglalaman ng banta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker at Leyte First District Representative Martin Romualdez ay maituturing na malinaw na paglabag sa tiwalang ipinagkaloob ng publiko sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan.

Sa pagdinig noong Martes, Hulyo 7, iniharap ng prosecution ang mga kopya ng mga pahayag na iniugnay kay Vice President Duterte noong Nobyembre 23, 2024, pati na ang iba pang mga kasunod na naging pahayag, bilang bahagi ng kanilang ebidensya sa impeachment proceedings.

Sa pagtatanong ni Senator-Judge Risa Hontiveros kung bakit maituturing na impeachable offense ang naturang mga pahayag, ipinaliwanag ni private prosecutor Atty. Amando Ligutan na ipinakikita umano ng mga ito ang isang serye o pattern ng mga banta, kabilang ang umano’y pahayag tungkol sa pagkontrata ng isang mamamatay-tao.

Ayon kay Ligutan, hindi pangkaraniwan at seryosong usapin ang pagbabanta sa buhay ng isang nakaupong Pangulo, at sinabi niyang ito ang kauna-unahang pagkakataon na may ganitong alegasyon na kinasasangkutan ng isang nakaupong Bise Presidente.

Binigyang-diin pa ng prosecution na ang naturang mga umano’y pahayag ay maituturing na “110 percent” na paglabag sa public trust, na isa sa mga batayang maaaring pagbatayan ng impeachment sa ilalim ng Konstitusyon.

Matapos marinig ang paliwanag ng prosecution, hindi na nagkaroon ng follow-up na katanungan si Senator-Judge Hontiveros hinggil sa naturang isyu.