-- ADVERTISEMENT --

Iniulat ng Department of Trade and Industry (DTI) na mas mababa ang presyo ng mga school supplies ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Ayon kay Maria Cristina Roque, isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang dami ng mga tindahan at pamilihang nag-aalok ng school supplies, na nagdudulot ng mas matinding kompetisyon sa presyo.

Ibinahagi rin ng kalihim na sa kanilang pakikipagpulong sa mga negosyante, inamin ng mga ito na bumaba ang presyo ng ilang produkto dahil sa sapat at masaganang suplay sa merkado.

Bagama’t naglabas ang DTI ng mga price guide para magsilbing gabay sa mga mamimili at nagbebenta, napansin umano ng ahensya na maraming produkto ang ibinebenta sa presyong mas mababa pa kaysa sa nakasaad sa kanilang gabay.

Samantala, tiniyak ni Roque na magpapatuloy ang regular na monitoring ng DTI sa mga tindahan at iba pang establisimyento upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa itinakdang price guides at maprotektahan ang kapakanan ng mga mamimili habang papalapit ang pagbubukas ng klase.