Inaprubahan ng House Committee on Appropriations, sa pangunguna ni Rep. Mikaela Suansing, ang substitute bill na magtatatag ng Presidential Merit Scholarship Program (PMSP).
Ang panukala ay kabilang sa mga prayoridad sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Pinag-isa sa substitute bill ang walong panukala, kabilang ang House Bill No. 5763 na pangunahing inakda ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, kasama ang TINGOG Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez, Andrew Julian Romualdez, at Jude Acidre. Si Acidre, bilang Chairperson ng House Committee on Higher and Technical Education, ang nagsulong ng panukala sa plenaryo.
Nagmula ang programa sa 2025 State of the Nation Address ng Pangulo kung saan inanunsyo ang pagbibigay ng merit-based scholarship para sa mga senior high school graduates na may pinakamataas na parangal.
Para sa Academic Year 2026–2027, naglaan ang Commission on Higher Education (CHED) ng mahigit ₱600 milyon upang matulungan ang tinatayang 20,000 magtatapos sa ilalim ng Bagong Pilipinas Merit Scholarship.













