-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Suportado ng presidente ng League of Provinces of the Philippines ang panawagan Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag ituloy ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang inihayag ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr na siya ring  tumatayong presidente ng Liga sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Governor Tamayo, malinaw ang panawagan ni Pangulong Marcos sa mga mambabatas na dapat bigyang prayoridad ang mga kasalukuyang problema na kinakaharap ng bansa.

Mas mabuti rin umanong tutukan ang pagbibigay ng serbisyo sa mga lugar na naapektuhan ng apat na sunod-sunod na bagyo lalo na ang malaking pinsala na iniwan nito sa pangkabuhayan ng mga Pilipino, mga sirang imprastraktura, mga daan at maraming iba pa.

Ngunit aminado rin ang opisyal na hindi kontrolado ng pangulo ang mga grupo na sumusulong nito at hindi mapipigilan sa kanilang hakbang lalo na at ilan sa mga ito ay bumabatikos din umano sa kanyang kakulangan.

Dagdag pa ni Governor Tamayo na sa ngayon kailangan na hindi magkawatak-watak ang mga Pilipino sa halip ay magkaisa upang masolusyonan ang problema ng bansa, mapaganda ang ekonomiya at mapagtagumpayan ang pangarap ng mamamayan na makabangon ang Pilipinas mula sa kalamidad tungo sa isang progresibo at maunlad na bansa.