Hinimok ni Pope Leo XIV ang mga obispo sa Pilipinas na palakasin ang pagkakaisa ng Simbahan at bigyang-pansin ang kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) kasunod ng ika-131 na Plenary Assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Sa mensaheng ipinadala sa CBCP, ipinanalangin ng Santo Papa na gabayan ng Espiritu Santo ang mga talakayan at desisyon ng mga obispo. Binasa ito ni Archbishop Charles Brown, apostolic nuncio sa Pilipinas, sa pagbubukas ng plenary assembly.
Personal namang naghatid ng pagbati si Cardinal Pietro Parolin, Vatican Secretary of State, at nagkaloob ng Apostolic Blessing bilang simbolo ng komunyon at kapayapaan.
Binigyang-diin ng Santo Papa ang kahalagahan ng pag-aalaga sa kapwa at ang pagpapalaganap ng biyaya at paglilingkod sa mas malawak na pamayanang Kristiyano, lalo na sa milyon-milyong Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa.













