-- ADVERTISEMENT --

Patay ang isang civilian employee ng Sultan Kudarat Municipal Police Station matapos tambangan at pagbabarilin habang sakay ng kaniyang motorsiklo sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Kinilala ang biktima na si Jonathan Juan, isang non-uniformed staff member ng nasabing police station. Nangyari ang insidente nitong Sabado, Agosto 22.

Ayon kay Capt. Steffie Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, mabilis na tumakas ang mga hindi pa nakikilalang suspek matapos isagawa ang pamamaril.

Nagtamo ng matinding tama ng bala si Juan na agad nitong ikinasawi.

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang mga responsable sa krimen at malaman ang motibo sa pamamaril.