-- ADVERTISEMENT --

Shariff Aguak, Maguindanao del Sur – Bumuo ang PNP Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ng isang Special Investigation Task Group (SITG) upang tutukan ang imbestigasyon sa ambush laban kay Shariff Aguak Mayor Datu Akmad Ampatuan Sr.

Ayon kay PBGEN Jaysen De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, bagama’t na-neutralize na ang mga suspek, kinakailangan pa ring bumuo ng SITG upang mas mapalalim ang imbestigasyon at mapanagot ang lahat ng sangkot sa krimen.

Aniya, sa pamamagitan ng SITG ay mas madaling matutukoy ang iba pang mga indibidwal na maaaring may kinalaman sa insidente.

Tiniyak din ni De Guzman na nananatiling maayos ang peace and order situation sa Shariff Aguak at ligtas ang mga residente at motorista na dumaraan sa mga pangunahing kalsada ng Maguindanao del Sur.

Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mas malinaw at konkretong motibo sa likod ng ambush laban kay Mayor Ampatuan Sr.