Ipinahayag ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang kanyang pagpuri sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa mabilis nitong aksyon sa pagdakip sa mga sangkot sa kontrobersyal na kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa kabuuan, 17 sa 18 akusado na may inilabas na arrest warrant ng korte ang naaresto na. Ayon kay Nartatez, ang natitira na lamang na hindi pa nadadakip ay si Charlie “Atong” Ang, na nahaharap sa mga kasong Kidnapping with Homicide at Serious Illegal Detention na may kaugnayan sa pagkawala ng mga sabungero.
Dahil dito, iniutos ni Nartatez ang pakikipag-ugnayan ng Philippine National Police sa Bureau of Immigration upang mapigilan si Ang na makalabas ng bansa at makaiwas sa pananagutan sa mga isinampang kaso.













