-- ADVERTISEMENT --

Mas pinaigting ng Philippine National Police ang kanilang kampanya laban sa mga mapagsamantalang negosyante sa gitna ng krisis sa langis, kasunod ng pagkakaaresto at pagsasampa ng pitong kaso kaugnay ng hoarding at iba pang ilegal na gawain.

Ayon sa pulisya, bahagi ito ng mas mahigpit na pagbabantay habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo na pinalalala ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Isa sa mga naitalang operasyon ay ang entrapment na isinagawa noong Marso 26 sa Ligao City, kung saan naaresto ang isang 43-anyos na negosyante. Nasamsam mula sa kanya ang tinatayang P2 milyong halaga ng ilegal na produkto, kabilang ang fuel tanker truck, iba’t ibang lalagyan ng langis, humigit-kumulang 1,000 litro ng gasolina, at marked money na ginamit sa operasyon.

Nahaharap ang suspek sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, na nagpapataw ng mabigat na parusa laban sa ilegal na pagbebenta at distribusyon ng produktong petrolyo.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Randulf Tuaño na bukod sa Albay operation, nakapagsampa na rin ang PNP ng tatlong kaso ng hoarding sa Bicol Region at isa pa sa Eastern Visayas. May mga kaso rin ng profiteering na naitala sa Eastern Visayas at Davao Region, gayundin ang isang insidente ng trademark infringement sa Central Luzon.

Binigyang-diin ng PNP na hindi nila palalagpasin ang sinumang magsasamantala sa kasalukuyang sitwasyon. Patuloy ang kanilang paalala sa mga negosyante na sumunod sa batas, at sa publiko na maging mapagmatyag laban sa ilegal na aktibidad sa merkado ng langis.