-- ADVERTISEMENT --

Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang information drive laban sa pagbebenta ng smuggled at iligal na sigarilyo sa mga sari-sari store sa buong bansa.

Inatasan ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng hepe ng pulisya na makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal ng barangay upang palakasin ang kampanya sa pagpapakalat ng impormasyon. Ito ay kasunod ng mga ulat na laganap ang bentahan ng smuggled cigarettes sa mga maliliit na tindahan sa buong bansa.

Ayon kay Nartatez, kinakailangang maunawaan ng mga may-ari ng mga sari-sari store na kapag pumayag silang magbenta ng smuggled na sigarilyo, nagiging bahagi sila ng supply network ng mga sindikato.

Kasama sa information drive ang pagtukoy sa mga brand ng smuggled at iligal na sigarilyo upang maging gabay sa mga tindero at mamimili. Layunin nitong mapalawak ang kaalaman ng publiko at maiwasan ang pagkakaroon ng kalakaran sa mga produktong ito.

Matatandaan na nagbigay na ng babala si Interior Secretary Junvic Remulla na magsasagawa ang mga awtoridad ng mga raid sa mga pampublikong pamilihan at maliliit na retailer bilang bahagi ng kampanya laban sa iligal na sigarilyo. Binigyan ng isang linggong palugit ang mga nagbebenta upang itigil ang distribusyon at maubos ang kanilang paninda bago pa man magsimula ang mas mahigpit na operasyon.

Samantala, nanawagan ang PNP sa publiko, lalo na sa mga may-ari ng sari-sari store, na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na isumbong ang anumang impormasyon ukol sa bentahan ng smuggled na sigarilyo sa kanilang komunidad.