-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Naka-heightened alert na ngayon ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) sa Maguindanao del Sur matapos ang panibagong roadside bombing na tumarget sa isang police patrol vehicle sa bayan ng Rajah Buayan nitong Miyerkules ng umaga.

Ang deployment ng mas maraming operatiba at paghihigpit sa seguridad ay direktang tugon sa ikalawang insidente ng karahasan sa loob ng tinaguriang “SPMS Box” (Shariff Aguak, Pagatin, Mamasapano, at Shariff Saydona Mustapha), matapos ang nakamamatay na ambush sa Mamasapano noong Marso 28 na ikinasawi ng limang pulis.

Ayon kay Capt. Steffi Salanguit, spokesperson ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), reresponde sana ang mga tauhan ng Rajah Buayan Municipal Police Station sa isang naunang pagsabog sa tirahan ng isang municipal administrator nang sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa Barangay Sapakan.

Bagama’t napinsala ang patrol car, mapalad na walang nasugatan sa mga opisyal sa kabila ng pananambang at pagpapaulan ng bala ng mga hindi kilalang suspek matapos ang pagsabog.

Dahil sa serye ng pag-atake na isinisisi sa grupong Dawlah Islamiyah, mas pinaigting ng PNP ang kanilang clearing at pursuit operations.

Inatasan na rin ang lahat ng police units sa lugar na maging doble-alerto laban sa anumang banta ng terorismo upang mapanatili ang seguridad ng mga residente sa conflict-prone corridor na ito.