-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na manatiling mapagmatyag sa gitna ng patuloy na pagdami ng cryptocurrency at online investment scams, kasunod ng naitalang daan-daang kaso noong nakaraang taon.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mahalagang maging maingat ang mga Pilipino sa mga online platform na nangangako ng hindi makatotohanang tubo o mabilis na kita.

Batay sa datos ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG), umabot sa 311 investment scam cases ang naitala mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2025. Sa kabuuang bilang na ito, 12 kaso ang may kaugnayan sa mga cryptocurrency scheme.

Ipinapakita rin sa mga ulat na karaniwang inaakit ng mga scammer ang kanilang mga biktima sa pamamagitan ng pangakong mas mataas na kita. Sa ilang pagkakataon, pinapayagan pa ang paunang withdrawal upang makuha ang tiwala ng mga biktima bago tuluyang manloko.