Kinumpirma ng Philippine National Police na namataang umalis si Ronald dela Rosa mula sa Senado matapos ang insidente ng pamamaril noong Mayo 13, sakay ng sasakyang nakarehistro umano kay Robin Padilla.
Sa briefing sa Malacañang, ipinakita ni Jose Melencio Nartatez Jr. ang video footage ng isang puting Toyota Fortuner na lumabas sa Senate premises bandang alas-2:30 ng madaling araw noong Mayo 14. Ayon sa PNP, batay sa records inquiry, nakapangalan kay Padilla ang naturang sasakyan.
Hindi pa inilalabas ng pulisya ang kabuuang CCTV footage na umano’y nagpapakita kay dela Rosa habang umaalis ng Senado.
Kinumpirma rin ni Jonvic Remulla na pagmamay-ari ni Padilla ang sasakyang nakita sa video. Sa isa pang footage na ipinakita sa media, sinabi ni Remulla na ito umano ang eksena ng pagtakas palabas ng Senado.
Nauna nang inamin ni Padilla na kanya ang sasakyang nasa CCTV footage, ngunit tumanggi siyang kumpirmahin kung sakay roon si dela Rosa.
“Antayin na lang natin yung imbestigasyon,” ani Padilla nang tanungin kung kasama niya sa sasakyan ang senador.
Noong Mayo 11, muling nagpakita si dela Rosa sa Senado sa unang pagkakataon mula Nobyembre 2025 upang bumoto sa pagbabago ng liderato ng Senado. Matapos makuha ng kanyang mga kaalyado ang kontrol sa liderato, agad ding inaprubahan ang mosyon para ilagay siya sa protective custody ng Senado.
Nag-ugat ang usapin matapos kumpirmahin ng International Criminal Court na nagpalabas ito ng warrant of arrest laban kay dela Rosa kaugnay ng umano’y papel nito sa war on drugs noong administrasyon ni Rodrigo Duterte.













