KORONADAL CITY- Nakatakdang dagdagan ang deployment ng PNP at AFP sa pitong (7) mga areas sa Socsksargen na kabilang sa isinailalim sa red category sa darating na May 9 National and Local elections.
Ito ang inihayag ni Comelec 12 Regional Director Atty. Renato Magbutay sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Magbutay, ang mga lugar na ito ay kinabibilangan ng mga bayan ng Mautum at Maasim sa Saranggani province, bayan ng Banga dito sa South Cotabato, municipality of Pikit sa North Cotabato at mga bayan ng Palimbang, Columbio at President Quirino sa probinsiya ng Sultan Kudarat.
Inilagay sa areas of immediate concern ang nabanggit na mga lugar dahil sa mga naitalang election related incident at tensiyon o mainit na away sa pagitan ng mga magkaribal na kandidato.
Kabilang din sa mga ikinonsidera ang presensiya ng mga private armed groups, communist terrorist group at iban pang mga armadong grupo.
Ngunit, hindi umano isasailalim sa comelec control ang nabanggit na mga lugar sa halip ay hihigpitan ang seguridad at tututokan ang mga polling places sa pinangangambahang pananabotahe sa araw ng eleksiyon.
Samantala, dito sa South Cotabato ipinasiguro naman ni Police Col. Nathaniel Villegas na nakaantabay na ang kapulisan kasama ang AFP sa bayan ng Banga na kabilang sa red category at ganun din sa apat na barangay sa bayan ng Polomolok na inilagay naman sa orange category.