KORONADAL CITY – Ipinatupad ang mahigpit na seguridad sa lungsod ng Koronadal sa pagdating ni PNP Chief General Nicolas Torre III, na naging panauhing pandangal sa closing program ng ika-26 na T’nalak Festival at ika-59 na Founding Anniversary ng South Cotabato.
Kasama ang kanyang pamilya at ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police, bumalik si General Torre sa lungsod kung saan siya lumaki—ngayon bilang pinuno ng pambansang kapulisan.
Sa kanyang talumpati, inihayag ni Torre ang kanyang tuwa na makabalik sa Koronadal, na tinawag niyang “bayan ng aking kabataan.” Nagpasalamat siya sa mga naging bahagi ng kanyang buhay sa elementarya at hayskul, at pinuri ang malaking pagbabago at pag-unlad sa probinsya.
Binigyang-diin ng PNP Chief ang kanyang mandato bilang lider ng kapulisan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tiyaking nananatili ang kapayapaan at kaayusan sa bansa, at ang mabilis na pagresponde ng mga pulis sa anumang krimen.
Ipinagmalaki rin niya ang 911 Emergency Hotline, na aniya’y “hindi lang salita kundi aktwal na gumagana” at epektibong tumutugon sa pangangailangan ng publiko.
Hinimok din niya ang mga South Cotabateños na patuloy na suportahan ang mga programa ng gobyerno para sa mas matiwasay at progresibong komunidad.
Ito ang kauna-unahang pagbisita ni General Torre sa Koronadal mula nang italaga siya bilang Chief PNP ng bansa. Bukas, nakatakda naman siyang bumisita sa Police Regional Office 12 sa General Santos City.