Inatasan ng Department of Energy (DOE) ang Philippine National Oil Company (PNOC) na bumili ng hindi bababa sa isang milyong bariles ng diesel upang magsilbing reserba ng gobyerno sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangamba sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Director Rino Abad ng Oil Industry Management Bureau (OIMB-DOE), ito ay isang direktiba mula kay DOE Secretary Sharon Garin upang matiyak na may sapat na suplay ng diesel na magagamit sa bansa kung sakaling magkaroon ng biglaang pagkagambala sa pandaigdigang distribusyon.
Ipinaliwanag ni Abad na gagamitin ng PNOC ang sariling pondo upang bumili ng diesel at ibebenta ito sa mga kompanya ng langis nang walang karagdagang patong, kaya’t hindi inaasahang tataas ang presyo ng diesel sa merkado.
Ang gobyerno ay nagtarget ng mga supplier mula sa mga bansa tulad ng South Korea, Japan, Singapore, Malaysia, Indonesia, at Canada upang matiyak ang seguridad ng suplay ng diesel sa bansa.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng contingency plan ng gobyerno upang maprotektahan ang bansa mula sa mga epekto ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, partikular na ang banta ng pagsasara ng Strait of Hormuz, isang pangunahing ruta ng langis sa mundo.
Sa kasalukuyan, walong linggo nang tumataas ang presyo ng gasolina, at sampung linggo naman ang tumaas ang presyo ng diesel at kerosene. Kasabay nito, ang China ay nagbabawas ng kanilang export ng refined fuel, na lalo pang nagpapataas ng pressure sa pandaigdigang merkado.
Tiniyak ng DOE na ang pagbili ng reserbang diesel ay hindi para sa pagkakitaan, kundi upang protektahan ang ekonomiya at mamamayan ng bansa laban sa mga epekto ng kaguluhan sa pandaigdigang sektor ng enerhiya.
Sa hakbang na ito, inaasahang magiging mas matatag ang suplay ng diesel sa bansa, na mahalaga sa sektor ng transportasyon, logistics, at iba pang industriya na umaasa sa produktong petrolyo.













