Patuloy na lumalaki ang epekto ng magkakasunod na kalamidad sa sektor ng agrikultura, matapos umabot sa P689.66 milyon ang naitalang pinsala ng Department of Agriculture (DA).
Halos doble ito kumpara sa P347.37 milyon na naitala ng ahensya noong nakaraang araw, dulot ng pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis at Maymay at pinalakas na habagat.
Apektado na ang tinatayang 21,115 magsasaka sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Western Visayas.
Mahigit 17,000 metriko tonelada ng mga produktong agrikultura at higit 19,000 ektarya ng mga sakahan ang napinsala. Pinakamalaking tinamaan ang palay, kasunod ang mais, saging, high-value crops, livestock at poultry, gayundin ang mga pasilidad, makinarya at kagamitan sa agrikultura.
Inaasahang madaragdagan pa ang halaga ng pinsala habang nagpapatuloy ang damage assessment at validation sa mga apektadong lugar.











