-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Humihingi ng tulong ang pamilya ni Kristine Talamera Bauden,  isang Pinay Domestic Helper na tubong Purok Tauro, Barangay Poblacion, Norala, South Cotabato, para maiuwi sa bansa ang kaniyang labi matapos itong masawi sa Jeddah, Saudi Arabia.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Gng. Luz Talamera, ina ng OFW, Agosto 18, 2025 lamang sila naabisuhan ng umano’y immigration officer sa Jeddah na pumanaw si Honey habang nasa pagamutan, kahit huli nila itong nakausap noong Agosto 5.

Nakasaad sa death certificate mula sa ospital na Agosto 8 nang isugod ang biktima at idineklarang namatay dahil sa cardiac arrest due to hypertension. Gayunman, hindi kumbinsido ang pamilya na ito ang tunay na sanhi ng pagkamatay, dahil bago pa ang insidente ay isinumbong na umano ng OFW na tuwing nagmamasahe siya sa kanyang lalaking amo ay pinaghihipuan siya nito.

Ikinagalit din ng pamilya ang huli at hindi agarang pag-abiso sa kanila ng employer, bukod pa sa umano’y tanong kung ipalilibing na lamang ang labi sa Jeddah o iuuwi sa Pilipinas. Dagdag pa rito, duda rin sila kung natatanggap nang buo at regular ang sahod ng OFW, dahil pakonti-konti lamang ang naipapadala nito sa kaniyang mga mahal sa buhay.

Sa ngayon, mariing panawagan ng pamilya na ma-repatriate agad ang labi ni Honey at maisailalim sa autopsy upang matukoy ang tunay na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Nabatid na si Honey ang breadwinner ng pamilya dahil walang permanenteng trabaho ang kaniyang asawa. Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang kanilang pamilya sa mga ahensya ng gobyerno at nananawagan ng tulong sa PhilQ Agency, ang recruitment agency ng biktima.