-- ADVERTISEMENT --

Ikinalungkot ng pamilya ng isang Pinay caregiver ang pagkamatay nito sa inilunsad na airstrike ng Iran sa Tel Aviv, Israel.

Kinilala ang nasawi na si Mary Ann Velaquez De Vera, 32-anyos, isang Filipina caregiver at residente ng Basista, Pangasinan.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente habang tinutulungan ni Mary Ann ang kanyang matandang pasyente na makarating sa bomb shelter, kasunod ng pagtaas ng tensyon sa Gitnang Silangan at mga retaliatory attacks ng Iran.

Kinumpirma ng mga awtoridad na kabilang siya sa mga casualties ng missile attacks.

Matatandaan na inilunsad ng Iran ang mga missile attack bilang ganti sa naunang joint airstrikes ng US at Israel na naging sanhi ng pagkamatay ng Iranian Supreme Leader na si Ayatollah Ali Khamenei.

Ang trahedyang ito ay nagdulot ng matinding lungkot sa kanyang pamilya at sa komunidad ng mga Pilipino sa Israel.

Nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa lahat ng OFWs na manatiling alerto at sundin ang mga safety advisories habang nagpapatuloy ang kaguluhan sa rehiyon.