Nahuli sa Ukraine ang isang Pilipino na si Raymon Gumangan matapos umano siyang mabiktima ng pekeng online recruitment para sa trabaho sa Russia.
Ayon sa kanyang pahayag sa isang video, noong Setyembre 2024 ay nagtungo siya sa Russia matapos makakita ng alok na trabaho sa internet.
Sa halip na isang lehitimong trabaho, napasama siya sa militar ng Russia at kalaunan ay nasabak sa labanan sa hangganan ng Ukraine at Russia.
Sa isang liham na ipinadala niya sa International Committee of the Red Cross (ICRC) noong Setyembre 17, 2025, ipinaalam ni Raymon sa kanyang pamilya na siya ay dinakip ng mga awtoridad ng Ukraine noong Setyembre 2, 2025.
Kaugnay nito, kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakikipag-ugnayan na sila sa kanilang mga partner at kaukulang ahensya sa Ukraine upang maayos ang sitwasyon ni Raymon at maisagawa ang kanyang repatriation pabalik sa Pilipinas.
Samantala, muling nagbabala ang pamahalaan sa publiko na maging mapagmatyag laban sa pekeng alok ng trabaho sa online, lalo na sa mga bansang may armadong tunggalian, at tiyaking dumadaan lamang sa lehitimo at rehistradong recruiters ang anumang overseas employment.













