Inaresto ng awtoridad ang isang lalaki na itinuturing na High Value Individual (HVI) matapos mahulihan ng Php340K halaga ng hinihinalang shabu sa inilunsad na buy-bust operation sa Purok Narra, Brgy. Numo, Esperanza, Sultan Kudarat noong ika-10 ng Enero 2025.
Kinilala ang suspek na si alias “Kare”, 38-anyos, may asawa at residente ng Barangay Pimbalayan, Lambayong , Sultan Kudarat.
Ayon sa ulat, dakong alas-7:55 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang operatiba ng Sultan Kudarat Provincial Drug Enforcement Unit katuwang ang mga tauhan ng Esperanza Municipal Police Station, 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Comapny at 1202nd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 12, kung saan naaresto ang nasabing suspek.
Nakuha mula sa suspek ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu na aabot sa 50 gramo na may Standard Drug Price na Php340,000, buy-bust money, at iba pang non-drug item.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.