-- ADVERTISEMENT --

Tinatayang sa mahigit Php2 milyon halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasabat ng mga awtoridad sa isang COMELEC checkpoint sa National Highway, Brgy. Poblacion, Makilala, North Cotabato noong ika-28 ng Enero 2025.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rolly C Oranza, Hepe ng Makilala Municipal Police Station, kaagad na nagsagawa ng checkpoint operation ang kanilang hanay katuwang ang pwersa ng Regional Intelligence Division-12, RMFB 12, matapos silang makatanggap ng impormasyon na may paparating na kargamento ng smuggled na sigarilyo mula Digos, Davao del Sur patungo sa North Cotabato.

Kung saan dito na naharang ang dalawang unit ng mini-van na may lamang 2,180 na ream ng sigarilyo na nagkakahalaga ng Php2,362,800.

Nabigo ang dalawang driver ng mga naturang sasakyan na kinilalang sina alyas “Mike” at alyas “Adzal” na parehong nasa wastong gulang, na magpakita ng mga kaukulang dokumento sa pagbiyahe ng nabanggit na mga sigarilyo dahilan upang arestohin at kumpiskahin ang mga sigarilyo.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10845 o “Anti-Smuggling Act” at RA 12022 o “Anti-Agricultural Sabotage Act”, ang mga nahuling suspek.